Inirereklamo ng mga motorista ang nasirang hanging bridge sa Barangay San Juan, Agno, Pangasinan dahil sa peligro na dulot nito at kawalan ng anumang babala sa lugar.
Nitong Miyerkules, isang motorista ang muntik nang mahulog sa tulay matapos umakyat sa daan at madiskubreng putol na ang bahagi ng tulay.
Delikado umano, lalo na sa gabi, ang pagdaan dahil hindi agad makikita ang kondisyon ng tulay mula sa paakyat na bahagi ng kalsada.
Ayon sa pahayag ng ilang residente, nasira ang naturang tulay pagkatapos ng pananalasa ng Bagyong Emong noong Hulyo, ngunit hindi pa rin ito naaayos hanggang ngayon.
Wala rin umanong inilalagay na barikada o signage upang ipaalam sa mga motorista ang pinsala.
Nanawagan ang mga residente at motorista sa lokal na pamahalaan na agad lagyan ng warning signs at harang ang apektadong bahagi upang maiwasan ang posibleng aksidente, lalo na sa mga hindi pamilyar sa lugar.









