Nasirang Pananim ng mga Magsasaka at Kawalan ng Suplay ng Koryente, Iniwang Problema ni Bagyong Rosita sa San Guillermo Isabela!

San Guillermo, Isabela – Nasirang mga pananim ng mga magsasaka at kawalan ng suplay ng koryente ang iniwang problema ng bagyong rosita sa bayan ng San Guillermo, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Sangguniang Bayan Member Nilo Guyod ng bayan ng San Guillermo, Isabela sinabi niya na naging malakas ang bagyong rosita dahil sa maraming poste at kawad ng koryente ang sinira nito na nagdulot ng ilang araw nang kawalan ng koryente sa nasabing bayan.

Iginiit pa ni SB Member Guyod na marami ding mga pananim ng magsasaka ang nasira lalo na ang saging, mga mais na hindi pa naaani at mga palay na kasalukuyan pa lamang na lumalabas ang butil.


Umaasa naman si SB Member Guyod na magkakaroon ng koryente ang kanyang bayan sa lalong madaling panahon sa kabila na kasalukuyan naman umano ang restoration ng koryente sa ibang barangay at mabigyan ng agarang ayuda ang mga magsasaka matapos na ilampaso ni bagyong rosita ang kanilang mga pananim.

Kinumpirma pa ng naturang opisyal na wala naman umanong nabaha na mga barangay sa kabila na lumaki ang tubig sa ilog Cagayan matapos na magpakawala ng tubig ang Magat Dam makaraang humupa na ang bagyo.

Samantala, passable na umano ang lahat ng tulay na sakop ng bayan ng San Guillermo lalo na umano ang Annapunan bridge na nakapagbigay ng pagkaantala sa mga motorista matapos ang bagyong rosita.

Facebook Comments