Pumalo na sa 21 ang narekober na bangkay sa nangyaring landslide sa Sitio Sindulan, Barangay Tinaan, Naga City, Cebu.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Disaster Management Office Operation Chief Rhafael Luche, tumutulong na rin sa retrieval operation ang Philippine Navy, 53rd Engineering Brigade Philippine Army at Bureau of Fire Protection (BFP) para mahanap pa ang ibang residenteng natabunan ng gumuhong lupa.
Sabi ni Luche, tinatayang 57 kabahayan ang natabunan sa landslide pero hindi pa nila matukoy kung ilan talagang tao ang nabaon sa gumuhong lupa.
Aniya, nagpatupad na rin sila ng force evacuation sa iba pang mga residente.
Isinailalim na rin sa state of calamity ang limang barangay na nakapalibot sa bundok, kabilang ang Tinaan, Cabungahan, Naalad, Mainit at Pangdan.