Magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources o DENR hinggil sa nangyaring trahedya sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet.
Giit ni Environment Secretary Roy Cimatu, bagaman landslide prone area ang lugar kailangan pa ring mabusisi kung may kapabayaang nagawa ang Local Government Unit (LGU).
Aniya, bukod kasi sa kawalan ng presensyang i-monitor ang nasabing lugar matagal ng ipinag-utos ng DENR na ipatigil na ang small scale mining.
Sabi naman ni Fay Apil, regional director ng Mines and Geosciences Bureau-Cordillera Administrative Region, na isa pa sa kanilang tututukan kung may pananagutan ba ang Benguet Corporation, ang kumpaniyang nagmamay-ari sa lugar na pinagmiminahan ng mga nasawing minero sa trahedya.
Una nang sinabi ng Benguet Corporation na taong 1993 pa nila tinigil ang pagmimina sa nasabing lugar at wala silang ibinigay na permiso para magsagawa ng small scale mining.
Kasabay nito, bumuo na ang DENR ng task force mining challenge na magbabantay sa mga pasaway na small scale miners.