Manila, Philippines – Nahanap na ng kampo ni Supreme Court Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno ang 11 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) noong nagtatrabaho pa bilang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas ang punong mahistrado.
Pero ayon sa tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Josa Deinla, isa lang sa mga ito ang sakop sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida ito ay ang SALN ni Sereno noong 1989.
Aniya, patuloy pa nilang hinahanap ang mga SALN ni Sereno noong mga taong 1986 hanggang 1988, 1992, 1999 hanggang 2001 at 2003 hanggang 2005.
Gayunman, giit ni Deinla, sa impeachment trial na nila ipiprisinta ang nasabing mga SALN dahil ito lamang ang kanilang kinikilalang proseso ng pagpapatalsik sa isang chief justice.
Sentro kasi ng quo warranto petition laban kay Sereno ang kaniyang mga hindi mahagilap na SALN.
Paliwanag pa ni Deinla, talagang isinumite ni Sereno ang lahat ng kaniyang mga SALN sa 20 taong pagtuturo sa UP.
Aniya, walang batas na nagsasabing dapat itago ang ano mang dokumento lagpas ng 10 taon.