Nilinaw sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na hindi buto ng tao kundi buto ng manok ang nadiskubreng putol-putol na buto sa septic tank sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP).
Iprinisinta ni Dr. Annalyne Dadiz, ng Medico Legal Team ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isang piraso ng buto at nilinaw na ang butong ito ay hindi human origin kundi ito ay consistent o katulad sa chicken leg o bone.
Ayon pa kay Dadiz, nagsagawa sila ng forensic identification at sa pamamagitan ng proseso na ito ay nagsagawa sila ng elimination at comparison at batay sa kanilang konklusyon ay hindi nga buto ng tao kundi buto ng manok ang nakita sa septic tank.
Si Dadiz ay bahagi ng team na sumuri sa mga nakuhang buto sa septic tank sa NBP.
Pero nagtataka naman si Senate Committee on Justice Chairman Senator Francis Tolentino kung bakit sa litrato ay lumalabas na malalaki ang buto.
Katwiran ni Dadiz, naka-zoom out kasi ang larawan kaya nagmukhang malaking buto pero kapag ikinumpara sa aktwal na buto ng hita ng manok ay parehong-pareho ito.
Hihintayin naman ni Tolentino ang findings na ilalabas ngayong linggo ng isa pang forensic experts team mula sa University of the Philippines na sumuri rin sa mga butong natagpuan sa septic tank.
Ipinapaulit din ng senador ang isinagawang K9 inspection sa basketball court kung saan sa ilalim nito ay may isa pang septic tank para masiguro kung talagang walang human remains na naroroon.