Naipadala na sa mga rehiyon ang 390,000 bivalent vaccines na donasyon ng COVID-19 Vaccine Global Access o COVAX facility.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na karamihan sa 390,000 doses ng bivalent vaccines na ito ay ibinigay sa National Capital Region (NCR) at ang iba ay sa iba’t ibang rehiyon.
Kulang pa ito ayon sa kalihim kaya uunahing bigyan ang mas nangangailangan nito kabilang na ang mga senior citizen, may comorbidity, at healthcare workers na matagal nang paso ang immunity.
Nagpapatuloy aniya ang kanilang negosasyon para makakuha pa ng dagdag na bivalent vaccines.
Paliwanag ni Herbosa hindi lamang Pilipinas ang nakikipag-agawan na makakuha nito dahil marami pang mga bansa sa mundo ang nais ring makakuha ng bivalent vaccine.
Hindi aniya simpleng proseso ang pagkuha ng bakuna katulad ng bivalent dahil ang proseso aniya kung kelan nag-order saka pa lamang nila ito gagawin at idi-deliver.
Maikli lamang ayon sa kalihim ang shelf life nito o hangang anim na buwan lamang
May mga manufacturer na gustong kumuha muna ng deposit bago sila mag-manufacture.
Ayon pa kay Herbosa makikipag ugnayan siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para alamin kung saang mga lokal na pamahalaan na naibahagi ang bivalent vaccines para agad na itong maiturok sa pinaka mabilis na panahon bago pa man ito mapaso.