Natanggap na report ng sumbong sa Pangulo Portal, pumalo na sa higit 20K mula nang buksan ni PBBM

Iprinisenta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang timeline sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects na una niyang ibinunyag sa State of the Nation Address (SONA), tatlong buwan na ang nakalipas.

Ayon sa pangulo, umabot na sa mahigit 20,000 reports ang natanggap ng Sumbong sa Pangulo, karamihan ay may kinalaman sa umano’y abuso at anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa bilang na ito, 8,329 reports na ang na-validate ng pamahalaan.

Giit ng pangulo, kung hindi dahil sa mga sumbong, hindi madidiskubre ng gobyerno ang maraming “ghost projects” at mga proyektong hindi man lang natapos pero nilamon na ang pondo.

Bunga ng mga natuklasang iregularidad, siyam na contractors na ang tuluyang na-blacklist, habang 20 DPWH officials at limang pribadong indibidwal naman ang nahainan na ng kaso sa Ombudsman dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Reform Act.

Kasabay nito, iniulat ng pangulo na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay nagpalabas ng pitong freeze orders kung saan saklaw ang nasa ₱6.3 bilyon na assets tulad ng mga sasakyan, real properties, bank accounts, e-wallet accounts, at insurance policies.

Kabilang dito ang 13 luxury vehicles na kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) mula sa pamilya Discaya, kung saan pito ang isasalang sa auction sa susunod na linggo at anim pa sa mga darating na linggo.

Malinaw ang aniya layunin ng kanyang pagharap sa media na ipakita sa publiko ang tunay na galaw ng pamahalaan laban sa katiwalian.

Facebook Comments