National Academy for Sports, dapat maitayo sa bawat rehiyon sa bansa

Target ni Committee on Sports Chairman Senator Christopher “Bong” Go na maging regionalized o magkaroon ang bawat rehiyon ng National Academy for Sports (NAS) na nauna nang itayo sa Tarlac.

Sinabi ito ni Go, matapos ang kanyang pag-iinspeksyon sa NAS sa New Clark City sa Capas, Tarlac kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Go, mapalad ang mga taga-Tarlac dahil sila ang kauna-unahang nagkaroon ng akademya kung saan maaaring pagsabayin ng mga kabataang atleta ang kanilang pag-aaral habang nagte-training sa larangan ng sports.


Ayon kay Go, kapag maganda ang resulta nito ay isusulong niya ang pagkakaroon ng iba pang sangay ng NAS sa buong bansa.

Binigyang diin ni Go na sa pagbibigay ng maayos na mga programa sa mga kabataan upang sila ay makapag-aral ng mabuti at magabayan sa kanilang mga talento sa sports ay mas mabibigyan sila ng oportunidad na magtagumpay sa buhay.

Matatandaan na isinulong ni Go na magkaroon ng NAS bilang tulong sa mga atletang Pinoy nang hindi na kailangang isakripisyo ang kanilang pag-aaral.

Facebook Comments