Mataas pa rin ang bilang ng naitatalang mga bagong kaso ng COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay batay sa ulat ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) at datos ng PNP Health Service.
Kahapon, 50 na bagong kaso na naman ng virus ang naitala sa PNP kaya naman umabot na sa 11,742 ang kabuuang kaso ng COVID sa PNP.
Nanguna ang National Administrative Support Unit (NASU) sa may pinakamaraming bagong kaso na nasa 11, nasa 9 naman ang sa Northern Mindanao, tig-pito ang sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at National Headquarter.
Tig-tatlo ang naitala sa National Operation Support Unit (NOSU), Ilocos at Eastern Visayas, dalawa naman sa Zamboanga Peninsula habang tig-isa sa Calabarzon, MIMAROPA, Western at Central Visayas gayundin sa SOCCSKSARGEN region.
589 naman ang active cases habang nasa 34 ang naitalang bagong gumaling sa sakit kaya naman umakyat sa 11,121 ang bilang ng kabuuang recoveries sa PNP habang nananatili sa 32 ang bilang ng mga nasawi.