Itinuring ng Commission on Elections (COMELEC) ang National and Local Elections nitong May 9 ang “most successful election” sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.
Sinabi ito ni COMELEC Commissioner George Garcia sa kanilang huling bahagi ng post-election assessment para sa automatic election system sa General Santos City.
Binanggit ni Garcia ang nakuhang 82 percent na trust rating ng May 9 elections mula sa survey ng Pulse Asia.
Ipinunto rin ng opisyal na nasa 23 lamang ang naitalang election-related violence ngayong taon, mas mababa sa naitalang 166 incidents noong 2016 at 133 nitong 2019.
Patunay rin na katiwa-tiwala ang eleksyon kasunod ng maagang pag-concede ng ilang presidential bets noong nagdaang halalan.
Sa kabilang banda, kinukwestiyon nina dating DICT Undersecretary Eliseo Rio Jr., dating NAMFREL Chairman Gus Lagman at dating pangulo ng Financial Executives Institute of the Philippines Franklin Ysaac ang basehan ng COMELEC sa napakabilis na transmission ng 20 milyong boto matapos lamang ang isang oras nang ideklara ang pagsasara ng botohan.