Inihayag ng pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na nagsimula na kahapon ang kanilang National Assessment para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs gamit ang kanilang website at mobile application.
Ayon kay TESDA Secretary Isidro Lapeña, sa nais mag-apply ng assessment, kailangang bisitahin ang kanilang website na www.tesda.gov.ph o I-download ang TESDA App sa Google Play o Apple Stores at hanapin ang ‘TESDA Abot Lahat ang OFWs’ button upang makapag send ng application.
Sa pamamagitan nito, mapo-profile ng TESDA ang skills ng mga OFW bilang basehan ng kanilang gagawing assessment.
Kaya hinihikayat ni Lapeña ang mga OFW na nagtatrabaho abroad na mag-apply na para sa kanilang assessment and certification online upang ma-upgrade ang kanilang mga skills.
Bago nito, inanunsyo ng TESDA na muli nang nagbukas ang skills assessment nito para sa mga OFW para sa Domestic Worker NC II, Ship’s Catering Services NC I at NC III, Caregiving NC II, at iba pang usual courses para sa OFWs.