
Binigyang-diin ni Senate President Chiz Escudero na malabong hindi galawin o mabago ng Kongreso ang ilang items na nakapaloob sa pambansang budget.
Kung mababatid, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na ibabalik o i-ve-veto niya ang national budget kung ang inaprubahan ng Kongreso ay hindi tumutugon sa priority programs ng pamahalaan.
Pero paalala ni Escudero sa pangulo, ang panukalang pambansang budget ay hindi lamang nanggagaling sa Executive kundi galing din ito sa Kongreso.
Hindi aniya dahil binalangkas ang budget ng Ehekutibo ay lahat ng ito ay tama na at hindi na pwedeng baguhin pa.
Giit ni Escudero, babaguhin ang marapat lamang na baguhin at mahalagang maging transparent kung saan makikita ng taumbayan bakit may mga adjustments sa partikular na bagay.
Hinimok din ng senador si Pangulong Marcos na kung may ganito siyang utos ay pagsabihan ng presidente ang kanyang mga Kalihim dahil kadalasan sila ang humihiling ng dagdag o pagbabago sa kanilang budget.









