Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na isang national budget na magpapatuloy at magpapalakas sa COVID-19 pandemic response ang isusumite ng kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tiniyak ni Yap matapos na aprubahan ng Senado ang 2022 General Appropriations Bill na naglalaman ng P5.024 trillion na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sinabi ng kongresista na kahit pa may magkakasalungat na probisyon sa parehong bersyon ng Kamara at Senado, nakasisiguro naman na ang pinakalayunin ng mga mambabatas ay magkaroon ng 2022 national budget na aalalay sa patuloy na paglaban ng bansa sa pandemya at pagbangon mula sa epekto ng krisis pangkalusugan.
Nagpapasalamat aniya ang Kamara sa mga senador sa pagkakaapruba “on time” sa panukalang national budget sa kabila ng kanilang napakaabalang iskedyul.
Nauna nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang 2022 GAB noong Setyembre at nakatakda na itong isalang agad sa bicameral conference committee.
Kabilang naman sa inaasahang mainit na pag-uusapan sa bicam ay ang pondo para sa mga bakuna kontra COVID-19 at booster shots, mga benepisyo at allowance ng health care workers, at ang kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.