Ipinanawagan ng environmental group na Greenpeace Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara ang national climate emergency sa bansa.
Kasunod na rin ito nang nangyaring malawakang pagbaha sa ilang parte ng Luzon bunsod ng sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo.
Ayon kay Greenpeace Philippines Director Lea Guerrero, bukod sa COVID-19, bahagi na rin ng new normal ang climate change, kaya marapat lamang na gumawa ng komprehensibong hakbang ang pamahalaan upang masolusyonan ang climate crisis na kinakaharap ng Pilipinas
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Urban Planner Architect Jun Palafox na ang Pilipinas ang pangatlo sa mga bansa sa buong mundo na “most vulnerable” sa climate change kung saan nangunguna rito ang India, sinundan ng Pakistan at pang-apat ang Bangladesh.
Dahil sa paglala ng global warming, asahan pa aniya ang pagtama ng mas malalakas na bagyo sa bansa at mga malawakang pagbaha.
Giit ni Palafox, mauulit lamang ang nangyari pagbaha sa Metro Manila hangga’t hindi naitatama ang kailangang laki ng daluyan ng tubig sa National Capital Region (NCR).
Nabatid na taong 1975 pa ay inirekomenda na ng beteranong urban planner sa pamahalaan ang Flood Control Master Plan kung saan isa rito ang Storm water Management and Road Tunnel (SMART) ng Malaysia, ngunit inupuan lang aniya ito ng mga nakaraang administrasyon.