National cold chain management partner, handa na para sa ‘Bayanihan Bakunahan’ ngayong araw

Tiniyak ng PharmaServ Express na handang handa na ngayong araw ang national cold chain at logistics partner ng pamahalaan para sa isasagawang tatlong araw na vaccination program sa buong bansa na tinaguriang “Bayanihan Bakunahan” mula ngayong araw November 29 hanggang Disyembre 1.

Ayon sa PharmaServ Express, siniguro nila na ang cold chain facility nito sa Marikina City ay may sapat na kapabilidad na mag-package at mag-distribute ng iba’t ibang brand ng COVID-19 vaccine na nangangailangan ng magkakaibang temperatura.

Dagdag pa rito, gumagamit ang Filipino-owned cold chain facility ng tinatawag na biothermal case system sa packaging ng mga bakuna para ligtas itong maihatid sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.


May sapat ding mga tauhan at assets sa ground ang PharmaServ Express para maibyahe ang mga bakuna sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng lupa, dagat at himpapawid.

Una rito, inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules, Nobyembre 24 ang Presidential Proclamation No. 1253 na nagdedeklara sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 bilang “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days”.

Inatasan ni Pangulong Duterte ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na bigyan ng kailangang suporta ang Department of Health, Department of the Interior and Local Government at National Task Force Against COVID-19 para maging matagumpay ang pagpapatupad ng Proclamation No. 1253.

Target ng tatlong araw na vaccination program na makapagbakuna ng 15 milyong katao sa 16 rehiyon sa labas ng Metro Manila para mapataas ang inoculation rate ng bansa.

Makatutulong ito para maabot ng pamahalaan ang target nitong mabakunahan ang 54 milyong Pilipino bago matapos ang Disyembre.

Sa ngayon, nasa 34,199,500 indibidwal na ang kumpleto ang bakuna laban sa virus.

Sapat ang supply ng bakuna ng bansa para sa tatlong araw na vaccination program dahil nakatanggap na ito ng 135,161,900 dose ng iba’t ibang brand ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments