National Commission for Senior Citizens, umapela sa mga negosyanteng mag-hire ng mga nakatatanda

Subukang mag-hire o kumuha ng senior citizens para sa negosyo.

Ito ang apela ni National Commission for Senior Citizens Chairman Atty. Franklin Quijano sa mga may-ari ng mga establisyemento.

Ayon kay Quijano na sa kabila na rito sa Pilipinas ay itinutuon na ang mga nakatatanda sa limitadong galaw dahil sa retirement age na 65, marami pa rin sa mga ito ang malalakas pa, at gusto pang magtrabaho.


Sa katunayan aniya, masasabing mas seryoso at displinado ang mga senior citizen sa kanilang trabaho dahil sa taglay nilang karanasan, at kakayahan kumpara sa millennials na masyadong mabilis mag-isip at magdesisyong bumitiw sa trabaho dahil sa dami ng alok na natatanggap.

Simula kahapon October 1, 2023 ay ipinagdiriwang ang Filipino Elderly Week sa bansa, sa bisa ng Proclamation Number 470.

Nakapaloob sa proklamasyon ang obligasyon ng bansa na tiyakin ang kapakanan ng nakatatandang populasyon.

Ang National Commission for Senior Citizens ang mangunguna sa pagdiriwang sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad.

Facebook Comments