Nananawagan na ng pagkakaisa at pagtutulungan ang National Commission on Muslim Filipinos sa mga kapatid na muslim , kristiyano at iba pang tribu sa rehiyon ngayong papatapos na ang plebesito para sa ratipikasyon ng BOL.
Sinabi ni NCMF Director Dimapuno Datu-Ramos Jr., ngayong tapos nang magsalita ang mayorya ng mga residente at pinaboran na magkaroon ng bagong Bangsamoro government, panahon na aniya na magkaroon ng pangmatagalang katahimikan doon.
Aminado si Datu- Ramos na matatagalan pa bago matanggap ng ilang tutol sa Bansamoro organic law ang naging pasya ng halalan pero naniniwala siya na mauunawaan din nila ito sa mga darating na panahon at masasabi ding tama si Pangulong Duterte sa kanyang isinulong para sa pagbabago.
Giit pa ni Datu-Ramos, pagod na ang mamamayan sa giyera sa Mindanao at kawawa ang mga kabataan kaya pagkakataon na pagbigyan naman ang anumang pagbabago sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao.
Naniniwala din ito na lalago ang ekonomiya sa rehiyon dahil bago pa man maratify ang BOL ay marami nang Islamic countries ang nagpahiwatig ng interes na maglagak ng pamumuhonan doon.