Tinututukan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng kasanayan na tugma sa mga umuusbong na mga bagong uri ng trabaho.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, nakipagdayalogo na sila sa iba’t ibang business organization upang alamin ang mga bagong oportunidad na maaaring pasukan ng mga manggagawa.
Sa pamamagitan aniya nito, nabibigyan sila ng ideya sa kung anong mga kasanayan ang dapat nilang ibigay partikular sa mga sumasailalim sa mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Matatandaang ipinag-utos na ni Pangulong Bongbong Marcos ang muling pangangasiwa ng DOLE sa TESDA.
Kaugnay nito, kahapon ay pinagana na ng pamahalaan ang National Coordinating Council na isang probisyon sa ilalim ng Republic Act 10968 o Philippine Qualifications Framework Act na layon ding masiguro na may mapupuntahan agad na trabaho ang mga nagtatapos ng K-to-12.
Pangungunahan ito ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Commission on Higher Education (CHED), DOLE, TESDA at ang Professional Regulations Commission (PRC).