National Database ng mga sex-offenders, isinusulong sa Senado

Para mapag-ingat ang publiko laban sa mga sex-offenders, isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang pagtatatag ng pambansang database ng mga sex-offenders na maglalaman ng kanilang mga impormasyon.

Sa Senate Bill no. 1291 na inihain ni Estrada, layunin na matiyak ang kaligtasan ng mga kababaihan at mga kabataan laban sa karahasan, sexual na pangaabuso at exploitation sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kamalayan ng mga otoridad sa presensya ng mga sex offenders na sakop sa kanilang lugar.

Sa ilalim ng panukala, lilikha ng National Sex Offender Registry Database na maglalaman ng pangalan at iba pang mahahalagang impormasyon ng mga sex-offenders na nasa bansa, anuman ang nationality o citizenship nito.


Kabilang sa mga impormasyon na ilalagay sa database ng bawat sex-offender ang gamit na alyas, permanent at kasalukuyang residential addresses, employment history, fingerprints at DNA samples, kumpletong criminal history, latest na larawan at iba pa.

Ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) ang magtatatag ng nasabing database at ito ay gagawing available at accessible sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang law enforcement agencies.

Pinapayagan din ang ‘information-sharing” sa pagitan ng local at foreign jurisdiction sa bawat sex-offender para sa anumang dagdag na impormasyon na maaaring ilagay sa registration.

Kapag naging ganap na batas, ang mga sex-offenders na sasadyaing o bigong i-a-update ang impormasyon sa registration ay mahaharap sa pagkakabilanggo ng isa hanggang limang taon at multa na P10,000.

Facebook Comments