
Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Digital Connectivity Plan o ang kauna-unahang komprehensibong master plan ng bansa na layong pabilisin ang pagpapatayo ng broadband infrastructure at pababain ang presyo ng internet para sa milyun-milyong Pilipino.
Isa itong pangmatagalang gabay para matiyak ang mas mabilis, mas maaasahan, at mas abot-kayang internet sa buong bansa, lalo na sa mga liblib at geographically isolated and disadvantaged areas o GIDAs.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez, bunga ito ng malawak at masusing konsultasyon na nagsimula sa mga regional consultations noong unang bahagi ng 2024.
Layon ng plano na makamit ang isang “Digitally Connected Philippines,” kung saan ang internet ay hindi lamang mabilis kundi kapaki-pakinabang sa pang-araw-araw na buhay, mula edukasyon at trabaho hanggang serbisyong pangkalusugan at negosyo.
Nakatuon din ang plano sa universal access, mas mababang singil, mas mataas na internet speed, at ligtas na digital services.
Bagama’t aminado ang Pangulo na nahuli ang Pilipinas kumpara sa ilang karatig-bansa sa ASEAN na matagal nang may ganitong uri ng plano, dahil sa mas mababang gastos at mas makabagong teknolohiya ngayon, mabilis na makahabol ang bansa at makapantay sa kalidad, bilis, at presyo ng internet sa rehiyon.










