Muling pupululungin ng Office of Civil Defense o OCD ang National El Niño Team sa Camp Aguinaldo sa Hulyo 19 para plantsahin ang mga paghahanda sa inaasahang epekto ng matinding tagtuyot na kasalukuyan nang nararanasan sa bansa.
Ito’y kasunod ng pagdeklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Hulyo 4 ng pagsisimula ng El Niño, na possibleng lumala ang epekto sa huling bahagi ng taon.
Ang pagpupulong ay pangungunahan ni Civil Defense Administrator and NDRRMC executive Director Usec. Ariel Nepomuceno, kung saan tatalakayin ang ginagawang paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Paliwanag ni Nepomuceno na kasama sa tatalakayin ang mga long-term plan para sa food security, water security, energy security, health, public safety at cross cutting issues.
Dagdag pa Nepumuceno, inaasahang maisasa-pinal sa pagpupulong ang National Action Plan for El Niño alinsunod sa kautusan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpatupad ng Science-Based, Whole-of-Nation Strategy” para tugunan ang epekto sa bansa ng El Niño.