Bilang paghahanda sa eleksyon sa Mayo 9 ay pinagana na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang National Election Monitoring and Action Center o NEMAC at Regional Election Monitoring and Action Centers o REMAC.
Pinangunahan ni PNP Deputy Chief for Operations, Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. na kasalukuyan ring Commander ng PNP Security Task Force NLE 2022 ang pormal na pagpapagana ng NEMAC at mga REMAC.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Rhoderick Augustus Alba, ang NEMAC at mga REMAC ng bawat police office ay magsisilbing mata at tenga ng PNP Security Task Force National and Local Elections 2022.
Sila ang magbibigay ng updated report kaugnay sa mga insidenteng may kinalaman sa eleksyon at security activities.
Sa ngayon, bukod sa mga idineploy na police officers, may pwersa at quick reaction teams ang PNP na naka-standby ng 24 oras para i-deploy kung kakailanganin.
Sinabi ni PNP Chief General Dionardo Carlos na all systems go na ang PNP at ngayon ay nasa full alert status na ang kanilang hanay.