Tinututulan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang balak na pagbebenta ng war reparation assets ng Pilipinas na nasa Japan.
Sa plenary deliberation ng pondo ng NHCP maging ang sponsor ng budget ng komisyon na si Appropriations Vice Chairman Joey Salceda ay sinabing hindi ito pabor sa pagbebenta ng naturang mga assets.
Ayon sa komisyon, hindi maaaring ibenta ang naturang mga property dahil ito ay idineklara bilang national cultural treasures.
Una naman nang inihain ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang House Resolution 1220 na humihimok sa Malakanyang na itigil ang planong pagbebenta ng assets ng bansa na nasa Roppongi at Nampedai sa Tokyo at ang dalawang iba pa na nasa Kobe.
Itinutulak naman ang pag-bebenta ng naturang war reparation assets bilang pandagdag sa retirement fund ng mga beterano gayundin sa paglikom ng pondo para sa PhilHealth.
Dagdag pa ni Rodriguez, kinakailangan ng concurrence o pagsang-ayon ng Pangulo at Kongreso bago maisakatuparan ang pagbebenta ng Philippine properties na nasa Japan.