National holidays sa bansa, hindi babawasan ng Senado —Sen. Chiz Escudero

Courtesy: Chiz Escudero FB

Nilinaw ni Senate President Francis Escudero na walang balak ang Senado na bawasan ang mga holidays sa bansa.

Ito’y matapos kontrahin ng ilang mga labor groups ang suhestyon ni Escudero dahil malaking tulong para sa mga manggagawa ang dagdag na bayad kapag holiday habang ang iba ay nagkakaroon ng pagkakataon na makapiling ang pamilya.

Paliwanag ni Escudero, ang polisiya na isinusulong ng Senado ay huwag nang dagdagan ang mga holidays dahil sobrang marami na pero wala silang balak na bawasan ang mga kasalukuyang holiday na ipinagdiriwang at ginugunita sa bansa.


Aabot na aniya sa hanggang 25 ang national at local holidays sa bansa kaya nais ng senador na huwag na itong dagdagan.

Kapag ang isang munisipalidad o probinsya ay mayroon nang local holiday, hindi na aniya ito dadagdagan.

Pagdating sa usapin na bawasan o pag-isahin ang mga magkakatulad na holidays sa bansa, nakatitiyak si Escudero na malabo itong mangyari ngayong 19th Congress at siguradong mahabang usapin ito na tatagal ng ilan pang taon.

Sinabi ni Escudero na sa ngayon ay wala siyang inuutos sa kahit alinmang komite sa Senado na pag-aralan ang tungkol sa pagsama-sama ng mga magkakaparehong holidays sa bansa.

Facebook Comments