National ID System, matindi pa sa diktaturya – Makabayan

Manila, Philippines – Iginiit ng ilang kongresista na matindi pa sa diktaturya ang isinusulong na National ID system o Filipino Identification System.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, malupit ang mandatory ID na ito sa mga Pilipino dahil ang mga sensitibong impormasyon ay kukunin na rin sa mga Pilipino.

Aniya pati ang religious belief, educational background, medical records, finger print at DNA at iba pang mga private information ay gusto ipasailalim sa National ID system.


Nangangamba si Tinio sa mala-intelligence surveillance na ginagawa ng gobyerno para matukoy kung sino ang mga kritiko o kumakalaban sa gobyerno.

Tinawag naman ni ACT Teachers Rep. France Castro na discriminatory ang Filipino ID system dahil kapag walang ID ay walang ibibigay na serbisyo mula sa pamahalaan.

Bagamat libre ang ID sa unang pagkakataon, kapag naiwala naman ito ay kailangan ng bayaran bago mabigyan ng panibagong ID.

Giit ni Castro na kawawa ang mga mahihirap na kailangan pang isipin ang ipambabayad sa nawalang ID at hindi pa makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno kapag wala nito.

Ang National ID System o House Bill 6221 ay naipasa sa ikalawang pagbasa kung saan mandatory para sa bawat Pilipino mula edad na disi otso na kumuha nito.

Facebook Comments