Nagkaroon ng aberya ang pagdaraos ng national dry- run ng Department of Education (DepEd) para sa kick-off ng School Readiness Program sa School Year 2020-2021.
Sa nasabing dry-run makikita kung gaano na ba kahanda ang mga rehiyon at paaralan sa distance learning sa darating na school year.
Ayon kay DepEd Chief of Staff at Usec. Nepomuceno Malaluan, nagkakaproblema sa audio at linya ng komunikasyon ang Region 12 na siyang host ng programa.
Kaya nagpasya ang DepEd na i-postpone muna pansamantala ang programa at magkaroon na lang ng presscon.
Sa naturang presscon, iginiit ni DepEd Sec. Leonor Briones na tuloy ang pagbubukas ng klase sa August 24 sa pamamagitan ng online classes.
Ito ay kahit ilang grupo ng mga guro at education stakeholders ang nagsabi na iurong ito dahil hindi pa ganoon kahanda ang ahensiya lalo na sa pamimigay ng mga modules.
Giit ni Briones, napag-usapan na nila ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at naghahanda na ang mga rehiyon.
Kung maaantala kasi ito ay mahuhuli ang mga batang Pilipino sa kanilang pag-aaral at magkakaroon ito ng epekto sa kanilang kalusugan tulad ng obesity bunsod ng pagkawala ng pinagkakaabalahan.