Patuloy na nangangalap ang pamahalaan ng mga ebidensya laban sa claim ng China na ang Pilipinas ang naging agresibo sa Escoda Shoal incident noong August 19.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni National Maritime Council (NMC) Spokesperson Alexander Lopez na responsibilidad ng pamahalaan sa publiko na ilabas ang tamang detalye, at kung ano ang totoong nangyari.
Kinokolekta na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga dokumento, larawan, video, at iba pang detalye sa ginawang panghaharang ng Chinese vessel sa dalawang PCG vessel sa Escoda Shoal, na nagresulta ng matinding pinsala sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Habang inatasan din ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng karagdagan ebidensya para naman sa ihahaing diplomatic protest.
Giit ni Lopez, kailangang pasinungalingan ang mga pahayag ng China na ang Pilipinas umano ang agresibo sa insidenteng ito.
Oras aniya na mailabas na ang mga ebidensyang ay hahayaan na nila ang publiko na mag-desisyon kung sino ang dapat na paniwalaan.