National Nutrition Council, tinutugunan na ang kakulangan sa nutrisyon ng mga evacuees mula Marawi City

Marawi City – Nagpadala na rin ng mga nutritionist ang National Nutrition Council para sa mga evacuees na nagsilikas mula sa Marawi City.

Ayon kay Dr. Azucena Dayanghirang, Deputy Director ng National Nutrition Council, ito ay upang matutukan ang nutrisyon ng mga evacuees lalo na ang mga kabataan dahil puro processed at canned foods ang kinukunsumo ng mga evacuees galing sa mga relief goods.

Bagamat aminado ang NCC na hindi masusustansya ang mga relief goods, prayoridad aniya na masolusyunan muna ang gutom ng mga evacuees.


Bilang tugon dito, ayon kay Dayanghirang patuloy ang ginagawang assessment sa nutrition status ng mga evacuees, at ginagawan nila ng paraan na maiayos o maibalik sa dati ang diet ng mga nananatili sa evacuation centers.

Sa kasalukuyan, ayon kay Dayanghirang, nakapag-setup na sila ng mga community kitchen, para kahit papaano ay mahaluan ng mga gulay at prutas ang mga pagkaing ibinibigay sa mga evacuees.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments