Pinawi ng National Prosecution Service ang pangamba ng mga kritiko ng pamilya ni Department of Justice (DOJ) Sec. Crispin Remulla sa magiging takbo ng kaso ng anak niyang si Juanito na naaresto dahil sa importasyon ng marijuana.
Tiniyak ni National Prosecutor General Benedicto Malcontento na magiging patas ang piskal na hahawak sa kaso ni Juanito Jose Remulla III.
Magiging independent din aniya ang prosecutor at hindi ito magpapadala sa anumang pressure ng mga partido sa kaso.
Ang pagtitiyak na ito ay ginawa ni Malcontento sa harap ng mga panawagan na magbitiw sa pwesto ang Justice secretary.
Una nang sinabi ng kalihim na hindi siya manghihimasok sa kaso ng kanyang anak at hahayaan niyang gumulong ang hustisya.
Ang panganay na anak ng kalihim ay inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tahanan nito sa Las Piñas City matapos nitong i-claim ang parcel na naglalaman ng mahigit 900 grams ng high grade marijuana mula sa San Diego, California, USA.