National Security Council, hindi ikinokonsidera ang POGO bilang national security threat

Nilinaw ng National Security Council (NSC) na hindi pa nila itinuturing na national security threat ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon kay NSC Secretary Eduardo Año, hindi pa kasi nangangailangan ng aksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang POGO hindi tulad nang paglaban sa teroristang grupong Abu-Sayaff o CPP-NPA.

Pero paglilinaw ni Año, maituturing na national concern ang POGO na kailangang aksyunan ng law enforcers at regulatory agencies.


Kung mayroon man aniyang ginagawang paglabag sa batas ang POGO operations sa bansa, hindi ito dapat palampasin at kailangang aksyunan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Kasunod nito ay tiniyak ni Año na patuloy na nakikipagtulungan ang NSC sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pangangalap ng mga impormasyon upang magkaroon ng balanseng pananaw sa operasyon ng mga POGO sa bansa.

Facebook Comments