National Security Council, wala pang namo-monitor na banta kaugnay sa mga aktibidad sa kaarawan ni FPRRD

Mahigpit na binabantayan ng National Security Council (NSC) ang seguridad ng bansa kasunod ng mga aktibidad laban sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, wala pa naman silang namo-monitor na banta sa seguridad ng bansa kaugnay ng posibleng mga aktibidad sa kaarawan ng dating pangulo sa Biyernes, March 28.

Pero sa kabila nito ay patuloy pa rin ang kanilang pagbabantay para sa kaligtasan ng publiko.


Sa press briefing naman sinabi ni Armed Forces of the Philippine (AFP) Vice Chief of Staff Lieutenant General Jimmy Larida na nakahandang sumuporta ang militar sakaling humingi ng tulong ang Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Larida, bahagi naman ng mandato ng Hukbong Sandatahan na suportahan ang PNP sa law enforcement operations, pero tumanggi munang magbigay ng detalye kung may paghahanda ang pulisya para sa Biyernes.

Patuloy aniyang pinaaalalahanan ni AFP Chief Romeo Brawner, Jr. ang mga miyembro ng militar na manatiling tapat sa bandila at maglingkod nang naaayon sa Saligang Batas.

Facebook Comments