Magsasama-sama ngayong araw ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para talakayin ang mga development sa ginagawang pagtugon sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Inaasahan na ala-1:00 mamayang hapon, gagawin ang pulong ng National Task Force for Oil Spill na pangungunahan ni Civil Defense Administrator Usec. Ariel Nepomuceno na tumatayong chairman ng NTF Oil Spill.
Inaasahang dadalo rin sa meeting ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources, Department of the Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, gayundin ang Philippine Coast Guard -Southern Tagalog District, Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Command, at Mimaropa Local Government Units.
Base sa pinakahuling situationer report ngayong araw, umabot na sa mahigit P454 Million ang tulong na naipaabot na ng pamahalaan sa mga apektdo ng oil spill.
Kabilang sa mga ipinagkaloob sa mga ito ay ang mga face mask, pagkain, tubig, bitamina, hygiene kits, PPE, gamot at maraming iba pa.