Magsasagawa ng pulong balitaan ang National Task Force for the West Philippine Sea ngayong hapon kaugnay ng huling insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ang NTF-West Philippine Sea ay nilikha upang itaguyod ang soberenya at interes ng bansa sa West Philippine Sea.
Pinamumunuan ang task force ng National Security Advisor bilang Chairman habang mga kasama dito ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) at iba pang kinauukulang ahensya.
Sa huling insidente sa WPS nitong Sabado, binugahan ng Chinese Coast Guard ng water cannon at hinarangan ang inarkilang supply boat ng AFP na patungo sana ng Ayungin Shoal para sa isang regular na troop rotation at resupply mission.
Una nang kinondena ng AFP at PCG ang naturang insidente at sinabing ito’y lantarang pagbale-wala sa kaligtasan ng mga sakay ng barko at paglabag sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral Award.
Nagpahayag naman ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas at sinabing ang aksyon ng China ay banta sa seguridad at stabilidad sa rehiyon, kasabay ng pagtiyak na ang anumang pag-atake sa mga pampublikong sasakyan ng Pilipinas sa WPS kabilang ang Coast Guard ay saklaw ng Mutual Defense Treaty.