Inirekomenda ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee sa gobyerno ang agarang pagbuo ng isang national task force na tututok at mangunguna sa paglaban sa pagkalat ng monkeypox.
Nakasaad sa House Resolution 134 na inihain ni Lee na ang naturang national task force ay bubuuin ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at magiging katuwang ng pribadong sektor para mapabilis ang paghahanda at pagtugon kaugnay sa monkeypox.
Ayon kay Lee, ang task force ang magbibigay ng update sa publiko hinggil sa estado ng monkeypox sa bansa at ito rin ang magpatutupad ng mga desisyon kung paano ito malalabanan.
Sabi ni Lee, ang task force rin ang magpapakalat ng impormasyon at maglalatag ng strategic communication sa publiko upang maiwasan ang panic at misinformation.
Diin ni Lee, bagama’t hindi kasing delikado ng COVID-19 ang monkeypox ay kailangan natin ng mabilis at agresibong aksyon lalo pa’t nasa pandemya pa rin tayo.
Giit ni Lee, napakahalaga ng edukasyon para maimulat ang marami nating kababayan kung paano makakaiwas sa monkeypox at upang hindi maparalisa muli ang ekonomiya ng bansa tulad ng nangyari sa COVID-19.