
Sa ngayon ay wala pang plano ang National Unity Party o NUP na suportahan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa statement na inilabas ng NUP ay nakasaad na wala itong nakikita na mga bago at mahalagang ebidensya na hindi kapareho sa mga dating isyu na masusing binusisi na sa mga pagdinig noon.
Gayunpaman, tiniyak naman ng NUP na patuloy nitong pag-aaralan ang magiging takbo ng impeachment proceedings para matukoy kung may mga bagong ibidensya na lalabas sa ikakasang deliberasyon ng Kamara.
Iginiit din ng NUP na mas dapat laanan ng Kongreso ng oras, atensyon at resources ang mas malalaking pambansang usapin na kailangang agad tugunan dahil nakakaapekto sa katatagan ng ekonomiya, kaligtasan ng publiko at kapakanan ng mga Pilipino.
Umaasa naman ang NUP na magiging responsable, matalino at istriktong nakabatay sa konstitusyon ang gagawing proseso ng Committee on Justice kaugnay sa apat na impeachment complaint laban kay VP Duterte.
43 ang miyembrong kongresista ng NUP na ikalawa sa pinakamalaking partido ngayon sa Kamara.










