Hinimok ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang mga economic managers na ihanda ang national vaccine logistics war chest para sa mabilis na distribusyon ng COVID-19 vaccines sa buong bansa.
Ipinahahanda ni Salceda kina Finance Secretary Carlos Dominguez at Budget Secretary Wendel Avisado ang vaccine logistics kasabay ng paalala na dapat napaghandaan na ng mga local government at Department of Health (DOH) ang delivery ng COVID-19 vaccines.
Aniya, ang problema sa procurement ng COVID-19 vaccines ay kalahati lamang ng totoong problema sa roll-out ng vaccines at mas malaki aniya ang mawawala sa bansa kung huli na itong maihahatid sa publiko.
Ang kasalukuyan aniyang sistema ng bansa sa delivery ng bakuna para sa iba’t ibang sakit ay nakakawala ng kumpyansa para sa efficient na delivery ng COVID-19 vaccine.
Tinukoy pa ni Salceda na sa Estados Unidos, 16.5 million doses lamang ng COVID-19 vaccines ang na-administer mula sa 35.9 million doses na binili ng US dala na rin ng mga backlog issues tulad ng kakulangan ng mga tauhan, storage at vaccination sites.
Aniya, mahalagang matuto tayo sa karanasan ng ibang bansa para sa mas maayos na logistics ng vaccination program.
Pinangangambahan ni Salceda na ilan sa mga malalaking problema sa roll-out ng COVID-19 vaccine ay pag-transport sa mga bakuna, supply dependability at vaccine sites.