Makikipag-alyansa na rin ang Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na political party ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay bilang paghahanda pa rin para sa 2025 midterm elections matapos na unang nakipag-alyansa sa PFP ang partido Lakas-CMD.
Ayon kay dating Senate President at NPC Chairman Vicente Sotto III, ang partnership ng dalawang partido ay magsusulong ng genuine unity bukod pa pagpapalakas at pagpapatuloy ng pagsusulong ng “Bagong Pilipinas” na all-inclusive development brand ng administrasyon.
Sinabi ni Sotto na noon pa man ay palaging sumusuporta ang NPC sa nahalal na pangulo ng bansa.
Naniniwala ang dating Senate President na ang alyansang ito ay magpapalakas sa kooperasyon at suporta sa pangulo lalo pa’t ang partidong NPC ay mayroong 4,000 miyembro kung saan ang halos 2,000 miyembro nito ay mga incumbent public officials.
Lalagda ngayong araw ang NPC sa isang kasunduan para sa pag-aalyansa sa PFP kasama si Pangulong Marcos na gagawin sa Diamond Residences sa Makati City.