Nationwide ‘mañanita’ protest, ikakasa ng iba’t ibang grupo ngayong araw

Magsasagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang progresibong grupo ngayong araw kasabay ng ika-122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Tatawagin itong “Mañanita” kasunod ng isinagawang birthday party ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Major General Debold Sinas sa gitna ng ipinapatupad na quarantine protocols.

Ngayong umaga, magkakaroon ng “parlor games” protest na ikakasa ng National Union Students of the Philippines (NUSP), Akbayan Youth, Kilusang Mayo Uno (KMU), Partido Manggagawa, DAKILA, Piston, at Movement Against Tyranny (MAT).


Kabilang sa mga laro ay “Pukpok Pasistang Palayok,” “Tumbang Pres,” at “Chinese Terror Garter.”

Alas-7:00 ngayong umaga, magtitipon ang mga grupo sa harap ng Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City at mamayang alas-9:00 ng umaga ay magkakaroon ng programa sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR).

Mayroon ding bikeathlon na sasalihan ng mga siklista sa Quezon CIty.

Magkakaroon din ng Kilos Protesta sa Naga, Camarines Sur, Baguio, at Dumaguete City.

Ipapanawagan din ng grupong PISTON na payagan nang makapamasada ang mga Jeepney.

Ang ilang grupo tulad ng DAKILA at Liberal Party ay magsasagawa rin ng online acitivities.

Ihahayag ng grupo ang pagkondena sa iba’t ibang isyu kabilang ang kontroberyal na Anti-Terrorism Bill.

Facebook Comments