
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sisimulan na sa Abril 6 ang nationwide rollout ng fuel subsidy para sa iba pang sektor ng transportasyon.
Ayon sa pangulo, nailabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang pondo para sa subsidiya bilang agarang tulong sa mga tsuper at operator na apektado sa pagsirit ng presyo ng langis.
Naririnig aniya ng pamahalaan ang hinaing sa mga kilos-protesta at hindi pababayaan ng pamahalaan ang sektor ng transportasyon.
Dagdag pa ng pangulo, patuloy rin ang mga hakbang para maibsan ang epekto sa mga commuter, kabilang ang libreng sakay at diskwento sa pasahe sa MRT-3 at LRT-2.
Bukod sa transport sector, makatatanggap din ng fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisda.
May dagdag na ₱50 milyon na inilaan para sa regional field operations upang mapabilis ang implementasyon ng mga programa.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga bansang gumagawa ng pataba upang matiyak ang sapat na suplay sa mga susunod na buwan, lalo na sa panahon ng taniman mula Mayo hanggang Hunyo.










