Nationwide rollout ng “libreng sakay” sa mga PUV, aarangkada na sa Lunes

Simula sa lunes, April 11, 2022 ay aarangkada na rin ang “Nationwide Service Contracting Program” ng pamahalaan.

Layon nitong bigyan ng libreng sakay ang mga pasahero na makakatulong sa kanilang mga gastusin lalo ngayong tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa ilalim nito, ang mga Public Utility Vehicle (PUV) operators at drivers na kasali sa free ridership program ay makakatanggap ng one-time pay-out at weekly payments base sa bilang ng kilometro ng pagbiyahe nito kada linggo.


Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, kabilang sa unang magsasagawa ng free ride service sa Lunes ay ang EDSA Bus Carousel route.

Pero aminado si Cassion na hindi lahat ng ruta ay magkakaroon ng free ride dahil may ilang PUV operators at drivers ang nagko-kompleto pa lang ng kanilang requirements.

Ayon pa kay Cassion, sa mga susunod na araw ay bubuksan na rin ng LTFRB ang NLEX to Metro Manila Service route para sa free ridership program.

Nabatid na aabot sa P7 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa nasabing programa sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Sakop nito ang 1,000 routes nationwide kung saan nasa 13,000 hanggang 15,000 units ng PUV kabilang na ang modern at traditional jeepneys, buses, at UV express ang kasama rito.

Tatagal ang free ride ng 45 hanggang 60 days, depende sa rehiyon habang sa Metro Manila ay aabot sa 60-days ang nasabing programa.

Facebook Comments