Thursday, March 26, 2026

Nationwide school building program popondohan ng PAGCOR

Naglaan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng inisyal na Php1.37 bilyon para sa pagtatayo ng 25 public school buildings sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bahagi ito ng dalawang taong plano ng ahensya na magtayo ng 125 school buildings o humigit-kumulang 1,500 classrooms, katuwang ang Department of Education (DepEd), upang mabawasan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.

Nitong Miyerkules, Marso 25, ay nilagdaan ng PAGCOR ang memorandum of agreement (MOA) kasama ang DepEd at ang unang batch ng 25 lokal na pamahalaan na makikinabang sa programa.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, mahigit Php8 bilyon ang inilaan ng ahensya para sa proyekto.

“Our commitment to the President (Ferdinand Marcos Jr.) is that all classrooms will be completed not later than 2027,” aniya.

Upang masiguro ang maayos na implementasyon, ilalabas ang pondo sa tatlong tranches depende sa takbo ng konstruksyon at pagsunod sa mga pamantayan.

Kabilang sa unang batch ng mga benepisyaryo ang mga LGU sa La Union, Pangasinan, Pampanga, Tarlac, Bulacan, Zambales, Batangas at Cavite, pati na rin sa Mindoro, Marinduque, Romblon, Albay, Camarines Sur, Antique, Samar, Davao Oriental, South Cotabato, Lanao del Sur at Sulu.

Makakatanggap ang bawat LGU ng Php55 milyon para sa pagtatayo ng tatlong palapag na gusali na may 12 silid-aralan at kumpleto sa upuan, mesa, PWD-friendly facilities, electric fans, microphones , 75-inch smart TV, at isang taong libreng internet.

Sinabi ni G. Tengco na layunin ng programa na mapabuti ang kalagayan ng pag-aaral, lalo na sa mga lugar na siksikan ang klase, may shifting, at gumagamit ng pansamantalang silid-aralan.

“We have learned that the country has an estimated 165,000 classroom shortage, which is a daunting challenge for any administration,” aniya.

“Tunay na mahalaga ang proyektong ito dahil naniniwala ako na kung maganda ang pundasyon ng edukasyon ng bawat kabataang Pilipino, malaki ang pag-asa ng ating bansa,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni G. Tengco ang bagong inisyatiba na mag-aatas sa mga online gaming licensees ng PAGCOR na maglaan ng bahagi ng kanilang kita para sa mga socio-civic programs, kabilang ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pampublikong paaralan.

Nagpasalamat naman si Education Secretary Sonny Angara sa proyekto ng PAGCOR at sinabing magbibigay ito ng panibagong pag-asa sa sektor ng edukasyon.

“May pag-asa tayo kahit mahirap ang trabaho natin sa DepEd at maraming kailangang punuan,” aniya.

“We thank PAGCOR for its continued support to the education sector,” dagdag niya. “These classrooms are not just physical structures; they are places where dreams can become reality for millions of young Filipinos.”

Facebook Comments