Gagawin nang online ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong ikatlong quarter ng taon.
Ayon kay NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ricardo Jalad, hindi tulad ng nakasanayang NSED, magsasagawa ang OCD ng Facebook live streaming sa pagpindot sa button na tanda ng “duck, cover, and hold” na magaganap alas-2 ng hapon ng ika-10 ng Setyembre.
Hinikayat naman ni Jalad ang publiko na makiisa sa nasabing aktibidad para sa paghahanda sa lindol sa pamamagitan ng panonood ng live.
Maliban sa online drill, magkakaroon din ng online Quiz Bee na ilulunsad ng alas-10 ng umaga sa ika-7 ng Setyembre kung saan iaanunsyo ang mechanics sa Civil Defense Facebook page.
Ang webinar naman kaugnay sa paghahanda sa sakuna at mga dapat gawin sa “new normal” ay nakatakdang maganap nang alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa ika-8 ng Setyembre.