Hindi isinasantabi ng grupo ng mga manggagawa ang posibilidad na manawagan din sila ng nationwide strike kung hindi tutugon ang gobyerno sa mga hirit nilang dagdag-sweldo.
Ayon kay Duds Gerodias, co-convenor ng Unity for Wage Increase Now (UWIN), dapat na kilalanin ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga manggagawa na magkaroon ng family living wage.
“Pwede rin pong umabot sa ganong punto na magkaroon, manawagan ang buong kilusang manggagawa ng nationwide strike din. Kailangan lang talagang palakasin yung kampanya at ipaunawa sa mga manggagawa na hindi na sapat yung barya-baryang ibinibigay satin. Ang gusto natin e yung umagapay man lang sa pamumuhay,” ani Gerodias sa interview ng DZXL.
Ang UWIN ay samahan ng iba’t ibang labor group na humihirit ngayon ng minimum wage hike na ₱530 sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.
May hamon naman si Gerodias sa mga mambabatas na kumukwestiyon sa nasabing halaga.
“Magpalit kami ng sweldo. Tingnan natin kung kaya nilang ibuhay yung ₱570. Yung ₱570 ang pinakamataas na sahod sa regions sa buong Pilipinas, dito sa National Capital Region.”
“Sabi nga namin, habang lumalayo ka sa monumento ni Bonifacio sa Caloocan papunta sa Norte at sa monumento ni Rizal sa Luneta papuntang South ay bumababa nang bumababa ang sahod ng mga manggagawa. Simple lang lagi ang paliwanag namin e, magkakaiba ba yung bituka ng mga manggagawa sa Luzon, Visayas at Mindanao,” punto niya.
Giit pa ni Gerodias, hindi tamang isisi ng mga employer at mga kapitalistang organisasyon sa pagbibigay ng umento sa sahod ang pagtaas ng inflation, pagkakaroon ng malawakang tanggalan sa trabaho o pagbagsak ng ekonomiya.
“Ang tagal nang patuloy na bumabagsak ang ekonomiya ng ating bayan. Almost 16 trillion na nga ang utang ng ating bayan dahil sa kawalan ng malinaw at [sustainable] na programa sa ekonomiya ng ating bayan. Yun ang dahilan, hindi yung pagtaas ng sahod ng mga manggagawa,” saad ni Gerodias.
“Sabi nga namin, e mas lalong gagalaw ang ekonomiya kung tataas yung sweldo ng mga manggagawa dahil magkakaroon ng malaking purchasing power, maraming mabibili na pangangailangan, hindi katulad ngayon,” dagdag pa niya.
Samantala, nakapaghain na rin ng petisyon para sa dagdag-sahod ang ilang grupo ng mga manggagawa sa Regions 4, 6 at 7.