Kasado na ang isasagawang nationwide transport strike ng public transport groups sa Lunes, September 30, 2019.
Matatandaang ipapatupad na sa susunod na taon ang Public Utility Vehicle modernization program.
Ayon kay ACTO National President Efren De Luna – humihiling sila na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng PUV modernization program sa susunod na tatlong taon.
Para kay Jun Magno ng Stop and Go Coalition – hinihimok nila si Pangulong Rodrigo Duterte na pakinggan ang kanilang hinaing.
Sinabi naman ni Dindo Robles ng Alyansa kontra PUV Phaseout – na walang makakapigil sa gagawin nilang protesta.
Samantala, isinulong sa Kamara ang House Bill 4823 ni Diwa Party-list Representative Michael Edgar Aglipay kung saan maipapatupad ang programa na hindi magiging mabigat sa kita ng higit 130,000 jeepney at bus driver sa bansa.
Sa ilalim din ng panukala, tutulungan din ang mga PUJ drivers sa kanilang financial capacity upang makasunod sa programa.
Kabilang sa probisyon ay government subsidy na 100,000 pesos, buy-out arrangement option na nasa 400,000 pesos para sa mga lumang unit at 5% interest rate para sa 10 year amortization scheme.