Umaasa ang pamahalaan na maikakasa sa susunod na buwan ang COVID-19 vaccination campaign lalo na at inaasahang darating sa bansa ang mga bakuna ng Pfizer at Sinovac.
Ang pamahalaan ay mayroon nang tiyak na 30 milyong doses ng bakuna mula sa Novovax, 25 million mula sa Sinovac, 20 million mula sa Moderna at 17 million doses galing AstraZeneca.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang Pfizer vaccines ay magiging available lamang sa Metro Manila, Cebu at Davao dahil sa cold storage requirement nito.
Ang mga bakuna ng Pfizer ay kailangang itago sa -70 degrees Celsius at bahagi ng COVAX Facility o ang global initiative para matiyak ang patas na access ng mga bansa sa bakuna.
Nasa 22% ng populasyon ang inaasahang makikinabang sa COVAX facility.
Ang ibang brand ng bakuna ay nangangailangan ng standard refrigeration na maaaring ipadala sa ibang probinsya.
Kapag dumating ang initial shipment ng COVID-19 vaccines sa bansa sa susunod na buwan, sinabi ni Roque na kailangan pa ng 10 araw bago magsagawa ng imbentaryo at maihanda ang distribusyon.
Kasabay nito, itinanggi ni Roque na mayroong diskriminasyon sa pamamahagi ng bakuna at iginiit na ang siyensya ang pinagbabatayan hinggil sa storage requirement ng mga bakuna.