Binabalak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o (NDRRMC) na umupa ng kontratista para higupin ang natitirang krudo mula sa lumubog na MT Princess Empress upang mapatigil ang pagtagas nito sa karagatan.
Isa ito sa mga napag-usapan na hakbang para tugunan ang oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro, sa isinagawang full council meeting ng NDRRMC sa Camp Aguinaldo kahapon.
Sa pagpupulong, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang impormasyong nakalap ng Japanese Remotely Operated Vehicle o ROV na sumisid sa lumubog na barko.
Natagpuang tumatagas ang lahat ng walong compartment ng lumubog na barko na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Hindi pa mabatid kung ilang litro pa ng krudo ang natitira sa loob ng mga tumatagas na compartment.
Kaya prayoridad ngayon ng NDRRMC ang pagkontrata sa marine salvage company para sa bagging, sealing, at patching ng lahat ng tagas, at paghigop sa natitirang krudo.