Monday, April 13, 2026

Natitirang ASEAN energy meetings ngayong 2026, isasagawa na lang online — DOE

Isasagawa na lamang sa virtual format ang lahat ng natitirang ASEAN energy meetings ngayong 2026, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ayon sa ahensya, bahagi ito ng mas malawak na “recalibration” ng ASEAN hosting ng Pilipinas upang mas mapagtuunan ng pansin ang mahahalagang prayoridad tulad ng energy security.

Ginawa ang hakbang sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Saklaw ng pagbabagong ito ang mga susunod na pulong sa ilalim ng Philippine chairship sa sektor ng enerhiya, kasunod ng matagumpay na ASEAN Special Senior Officials Meeting on Energy na ginanap sa Bohol noong Enero.

Tiniyak naman ni Energy Secretary Sharon Garin na mananatiling committed ang Pilipinas sa produktibong pamumuno sa ASEAN energy sector kahit online ang mga pulong.

Aniya, makatutulong ang virtual setup upang maging mas episyente sa paggamit ng resources habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa mga kasaping bansa at partner.

Kabilang sa mga pangunahing inisyatiba ang ASEAN Power Grid, ASEAN Framework Agreement on Petroleum Security, at Trans-ASEAN Gas Pipeline.

Facebook Comments