Natitirang NPA sa Isabela, Pinasusuko

Cauayan City, Isabela- Muling hinihikayat ng kasundaluhan at ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) Philippine Air Force ang mga nalalabi pang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Lalawigan ng Isabela na magbalik-loob na sa pamahalaan.

Nagsanib pwersa ang mga tropa ng 502nd Infantry Brigade sa pangunguna ni Captain Joter Lobo II, mga sundalo ng 95th Infantry Battalion at tauhan ng TOG 2 kahapon, July 10, 2021 para muling magsagawa ng aerial leaflets dropping partikular sa bahagi ng City of Ilagan, Tumauini at Divilacan.

Ang mga inihulog na leaflets o polyetos ay naglalaman ng mga programa ng gobyerno para sa mga rebeldeng sumusuko tulad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at mga testimonya ng mga dating rebelde kaugnay sa mga ginagawang karahasan at panlilinlang ng CPP-NPA.


Isa ito sa mga ginagawang hakbang ng kasundaluhan para hikayatin ang mga natitira pang NPA sa probinsya lalo na sa mga liblib na lugar.

Naniniwala ang kasundaluhan na sa pamamagitan ng kanilang paghuhulog ng leaflets ay madadagdagan ang bilang ng mga rebeldeng umalis sa kilusan at niyakap ang tunay na kapayapaan at programa na inaalok ng pamahalaan.

Facebook Comments