Natitirang POGO sa bansa, pilit na itinatago ang operasyon upang hindi masilip ng pamahalaan – PNP

Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na maaring gumagawa ng mga hakbang ang mga operators ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa upang tuluyang maitago ang kanilang operasyon.

Sa pulong balitaan sa Kampo Krame, sinabi ni PNP Spokesperson PBGEN. Jean Fajardo na hindi malayong may mga malalaking tao o pwersa ang nasa likod ng kompanyang Quantum Solutions Technology, na dating Vertex Technology upang itago ang kanilang operasyon sa cryptocurrency investment na paglabag sa kanilang lisensya mula Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Security and Exchange Commission (SEC).

Ayon pa kay Fajardo, pitong pangalan ang natukoy sa search warrant sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa hindi ito usapin ng human trafficking kaya’t di kinailangan ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).


Nauna nang tiniyak ni PNP Chief General Rommel Marbil na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa POGO ngayong nalalapit nang magtapos ang ibinigay na ultimatum ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga POGO sa bansa.

Facebook Comments